Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na head guard ng isang supermarket matapos mangholdap ng isang sanglaan sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng Lapu-Lapu Police Station 3 na tinangay ng suspek ang P21,000 na kita ng sanglaan.
Sinampahan na ang suspek ng reklamong robbery.
Umamin ang suspek sa krimen at humingi ng tawad sa pamunuan ng sanglaan.
Ayon sa kaniya, toy gun lamang ang kaniyang ginamit sa panghoholdap at agad din niya itong itinapon.
Hindi nagbigay ng kanilang panig ang pamunuan ng sanglaan. —Jamil Santos/ VAL GMA News
