Hindi putok ng baril ang malakas na tunog na iniulat na narinig mula sa Isulan National High School sa Sultan Kudarat nitong Miyerkules, kung hindi maaaring likha ng palyadong electrical wiring, ayon kay Governor Datu Pax Ali Mangudadatu.
Sa isang pahayag, binanggit ni Mangudadatu ang ulat ng Sultan Kudarat Provincial Police Office (SKPPO), at sinabing walang naganap na pamamaril sa paaralan, bilang paglilinaw sa mga naunang lumabas na ulat.
“The reported loud sound was not caused by a firearm and was likely due to faulty electrical wiring. No ammunition was found in the area during the investigation,” sabi ng gobernador.
“The Bureau of Fire Protection (BFP) is conducting its assessment regarding the possible electrical wiring issue,” dagdag nito.
Agad umanong ipinatupad ang mga kaukulang safety protocol, habang siniguro ng lokal na pamahalaan ng Isulan, kasama ang mga awtoridad, ang seguridad sa lugar habang nagpapatuloy ang pagsusuri.
Hinimok ni Mangudadatu ang mga magulang at publiko na manatiling kalmado at umasa lamang sa opisyal at beripikadong impormasyon mula sa mga awtoridad.
“The safety and well-being of our students and teachers remain our utmost concern,” dagdag niya. — Joviland Rita/FRJ GMA News

