Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO), at sinuspinde ang driver’s license ng isang motoristang nakuhanan ng video na hindi umano nagbigay-daan sa mga taong tumatawid sa pedestrian lane.

Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkoles, sinabing iniutos ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, na agad umaksyon ang ahensiya sa naturang insidente na nahuli-cam ang isang sports utility vehicle na nagpatuloy sa pag-arangkada kahit may mga tao na tumatawid sa isang pedestrian lane.

“Nagsagawa ng imbestigasyon ang Intelligence and Investigation Division (IID) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver ng SUV. Matapos matukoy ang mga ito, pinadalhan sila ng LTO ng Show Cause Order (SCO),” saad sa pahayag.

Inatasan ang rehistradong may-ari at nagmamaneho ng sasakyan na humarap sa IID sa LTO Central Office sa Oktubre 8, 2026. Dapat umanong dumalo sa pagdinig ang mga pinadalhan ng SCO, at magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kasama ang mga kaukulang dokumento na kailangan sa isinasagawang imbestigasyon.

“Maaaring maharap ang driver sa pananagutan sa ilalim ng Republic Act No. 4136, kabilang ang posibleng paglabag sa right of way, gayundin ang posibleng pagdeklara sa kaniya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan para sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang driver's license,” ayon pa sa pahayag.

Isinailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang driver's license ng driver, at inilagay sa alarm status ang SUV habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

“Alam naman ng bawat motorista na kailangang magbigay-daan sa mga pedestrian na tumatawid sa tamang tawiran, kaya walang dahilan para balewalain ito. Hindi palalampasin ng LTO ang ganitong paglabag, lalo na kung malinaw na may panganib sa kaligtasan ng mga tumatawid,” pahayag ni Lacanilao.

Paalala ng LTO sa mga motorista, laging bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga tumatawid at sundin ang mga patakaran sa kalsada, lalo na sa mga itinalagang tawiran. – FRJ GMA News