Nagtamo ng mga sugat ang isang lalaking may kokomprontahin sana, matapos siyang kuyugin ng pito hanggang 10 lalaki sa Dueñas, Iloilo.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa video na pinagtulungan ang biktima na tadyakan ng mga lalaki sa Plaza ng Dueñas nitong Lunes.

Sinabi ng pulisya na nagpunta ang biktima sa lugar upang komprontahin ang taong nanakit umano sa kaniyang kapatid. Ngunit sinalubong at kinuyog siya ng mga kasamahan ng taong kukumprontahin sana niya.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa ulo at sa likod.

Rumesponde ngunit wala nang naabutan ang pulisya, na patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente. —Jamil Santos/KG GMA News