Nagtapos na ang kampanya ni Alexandra Eala sa 2026 Asian Games na mag-uuwi ng bronze medal nang matalo siya kay Wang Xiyu ng China, 6-3, 3-6, 2-6, sa semifinals nitong Huwebes sa Japan.
Ito ang ikatlong bronze medal ni Eala na kaniyang nakamit sa kaniyang mga paglaban sa Asian Games.
Nagwagi rin siya ng bronze sa singles event sa Hangzhou tatlong taon na ang nakalipas, gayundin ng bronze sa mixed doubles.
Nangibabaw si Eala sa unang set at mabilis na nakalamang ng 5-0 bago nakabawi si Wang at napanalunan ang sumunod na tatlong games para lumiit ang lamang. Gayunman, nakabawi ang world No. 18 at kinuha ang set, 6-3.
Nagbago ang takbo ng laro sa second set nang makalamang si Wang ng 5-1. Nakabawi si Eala matapos manalo ng dalawang sunod na games, pero tuluyang isinara ni Wang ang set, 6-3, para itulak ang ikatlo at huling set.
Dinala ni Wang, world No. 85, ang momentum sa deciding set at nakalamang ng 4-1 bago napigil ni Eala ang kaniyang paghabol. Muling nakontrol ng Chinese player ang laro at isinara ang laban upang umabante sa gold medal match.
Bilang top seed ng torneo, nagkaroon muna si Eala ng first-round bye bago tinalo si Patcharin Cheapandrej ng Thailand sa Round of 16 at si Joanna Garland ng Chinese Taipei sa quarterfinals.
Inaasahang babalik sa aksiyon si Eala sa Wuhan Open, isang WTA 1000 event na nakatakdang magsimula sa Oktubre 12.
—Justin Kenneth Carandang/FRJ GMA News

