Pinaghahanap ang tatlong lalaking may mga dalang baril matapos ma-hulicam ang pagtangay nila sa isang nakaparadang motorsiklo sa Barangay San Jose, Antipolo City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, kita ang pagparada ng dalawang motorsiklo na may sakay na tatlong lalaki sa labas ng isang tindahan sa Sitio Tanza 1 pasado hatinggabi nitong Miyerkules.
Ilang saglit pa, kinausap ng mga nakamotor ang mga nakatambay sa may tindahan bago umalis.
Makaraan ang ilang minuto, bumalik ang mga lalaki nakasuot ng helmet, huminto sa tabi ng mga nakaparadang motorsiklo at isa-isang bumaba.
Tila tinuro-turo ng isa sa kanila ang mga nakatambay, habang nilapitan ng isa pa ang isa sa mga nakaparadang motor at tinangay ito.
Napanood pa sa CCTV na may hawak na baril ang kanilang kasama.
Magkakasunod na umalis ang tatlo.
Sinabi ng isa sa mga saksi na may hinahanap na tao ang mga lalaki.
"May tinanong sa amin. Kung may kilala ba raw kaming ***. Eh ang sabi ko, ang tagal na namin dito, sir, na nakatira, wala kaming kilalang ***. Pagbalik nila, sabi nila, 'Hindi pa kayo papasok? Pumasok na kayo, pumasok.' Tapos iniwasiwas ang baril na parang binubugaw kami. Hindi namin alam na motor pala ang tirada nila," sabi ng isang saksi.
Batay sa 35-anyos na may-ari ng motorsiklo, papasok sana siya sa trabaho bilang trailer truck driver noong hatinggabi, pero tinrangkaso siya.
Umaga na niya natuklasan na ninakaw na ang kaniyang motor.
"Sinabi ng anak ko na, 'Daddy, wala 'yung motor mo sa labas, sabi ng bantay ng tindahan.' Doon ko na po na ano na 'yung motor ko, ninakaw kaya pina-review namin 'yung CCTV," sabi ng may-ari ng motor.
Nagkakahalaga ng mahigit P180,000 ang halaga ng ninakaw na motorsiklo, na limang buwan pa lamang niyang hinuhulugan.
Ni-report ng biktima ang insidente sa barangay at Antipolo police.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na nahaharap sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016. — Jamil Santos/ VDV GMA News
