Nagulat at napaiyak na lamang ang isang babaeng content creator, matapos basagin ng isang magnanakaw ang bintana ng kaniyang kotse at tangayin ang kaniyang cellphone sa Sao Paulo, Brazil.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa dash cam ang paghinto ng sasakyan ng babae dahil sa traffic.
Ilang saglit pa, isang riding-in-tandem ang sumulpot sa gilid ng kotse.
Doon na bumaba ang angkas, binasag ang bintana ng sasakyan at kinuha ang cellphone na nasa dashboard.
Hindi napigilan ng biktima na maiyak sa nangyari habang itinutuloy ang pagmamaneho.
Kuha noong Augusto ang video at may mahigit walong milyong views na.
Wala pang detalye kung nahuli ang mga salarin. —Jamil Santos/ VAL GMA News
