Sugatan ang tatlo katao, kabilang ang dalawang banyaga, matapos silang hampasin ng martilyo sa ulo ng isang lalaki sa Sampaloc, Maynila. Ang nangmartilyong suspek, kuyog ang inabot sa mga residente.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang takbuhan ng mga residenteng nasa tapat ng isang bahay sa bahagi ng Visayan Avenue sa Barangay 567 pasado 11 p.m. nitong Miyerkoles.
Ilang saglit pa, isang lalaki ang kinaladkad palabas ng isang babae. Doon na lumapit ang mga nagtakbuhang residente at kinuyog ang lalaki.
Suspek ang lalaking kinuyog sa tangkang pagpatay sa tatlong tao, kabilang ang dalawang foreign national, ayon sa pulisya. Kaibigan pa umano mismo ng isa sa mga biktima ang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon na inimbitahan ng 26-anyos na lalaking biktima, na isang US citizen, ang 20-anyos na suspek.
“Itong suspek po natin is nagkaroon po ng utang sa kapatid ng biktima natin. Ang pagkakaalala po namin is P100,000. Itong suspek po, nagalit po dahil hindi niya po maibigay 'yung utang sa biktima,” sabi ni Police Lieutenant Oliver Balingit, Gulod PCP Commander, MPD-4.
Doon na kumuha ng martilyo ang suspek at pinalo sa ulo ang dayuhang biktima.
Nang palabas na sana ng kuwarto ang suspek, naabutan niya ang 62-anyos na kasambahay ng biktima na nasa tapat ng pinto. Pinalo rin niya ng martilyo sa ulo ang senior citizen na kasambahay.
Tinangka namang umawat ng 23-anyos na babaeng kapatid ng dayuhang biktima, ngunit inatake rin siya ng suspek.
“Noong nagkaroon po ng komosyon po sa loob ng bahay, itong suspek po, pababa na po siya. Pero nagsigaw-sigaw po 'yung biktima, ‘Magnanakaw, magnanakaw,’” sabi ni Balingit.
Agad nang tumulong ang mga residente para hindi makatakas ang suspek.
Sinabi ng barangay na nakalabas na ng pagamutan ang kapatid na babae at ang senior citizen na kasambahay.
Samantala, nasa ospital pa ang napuruhang lalaki.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng mga biktima.
Nasa custodial facility na ng MPD ang suspek, na tumanggi munang magbigay ng pahayag. Nahaharap siya sa three counts ng frustrated murder. —Jamil Santos/AOL GMA News
