Humingi ng paumanhin ang kolumnistang si Ramon Tulfo dahil sa inilabas niyang ulat na palihim umanong nakalalabas ng kulungan si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez. Pag-amin niya, maling impormasyon ang natanggap niya.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, sinabi ni Tulfo na “embarrassing and humiliating” pero inaamin niya na nabigyan siya ng maling impormasyon na inakala niyang totoo.
Ang masakit pa aniya, naipasa niya ang maling impormasyon sa mga taong sumusubaybay sa kaniyang ulat, “who trust me and took me on my word."
“Complete with all the details like riding in an ambulance and the brownouts taking place so he would not be seen going out and coming back in,” dagdag ni Tulfo. “No such thing happened when the facts started coming in yesterday.”
Nitong Martes, nag-post si Tulfo ng impormasyon tungkol sa galaw umano ni Romualdez sa Quezon City Jail-Male Dormitory, na mula sa tinawag niyang impormante na “tweety bird.”
Batay umano sa impormante, pinapatay ni Quezon City Jail-Male Dormitory Superintendent Maria Lourdes Pacion ang suplay ng kuryente sa pasilidad tuwing lumalabas at bumabalik si Romualdez sa piitan upang hindi mai-record ng mga CCTV camera ang mga pangyayari.
Dahil dito, nagsagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kaugnay ng mga alegasyon.
Iniutos din ng Third Division ng Sandiganbayan sa mga opisyal ng BJMP na tumestigo nitong Huwebes upang linawin ang kasalukuyang kalagayan ni Romualdez habang nasa kanilang kustodiya.
Ayon kay Tulfo, walang dahilan upang bigyang-katwiran ang kaniyang pagkakamali.
“I goofed. No excuses. I should have first checked and cross-checked that report I received on Romualdez,” anang kolumnista.
Sa pagdinig ng anti-graft court nitong Huwebes, nanindigan si Pacion na hindi nakalalabas ng BJMP si Romualdez.
Kasalukuyang nakadetine si Romualdez dahil sa kinakaharap na kasong katiwalian at pandarambong umano kaugnay sa pondo para sa flood control projects na ibinigay daw ng mga dating tauhan ni dating Rep. Zaldy Co ng Ako Bicol party-list.
Mariing itinanggi ni Romualdez ang alegasyon at kasalukuyang dinidinig ng anti-graft court ang kaniyang petisyon na payagan siyang makapagpiyansa.
Sa isang pagdinig, sinabi ng isang testigo mula sa kampo ng tagausig na hindi kabilang si Romualdez sa mga proponent, o nagsulong ng mga flood control project na pinagkunan umano ng mga “kickback.”
Inihayag din ng state witness na si dating Public Works undersecretary Roberto Bernardo na hindi kabilang si Romualdez sa mga humingi sa kaniya ng listahan ng infrastructure projects kapalit ng kickback.—FRJ GMA News

