Sinira ng dalawang kawatan ang lagayan ng aircon sa isang bahay para makapasok at makapagnakaw sa Barangay Greater Fairview, Quezon City. Natangay ng mga kawatan ang ilang cellphone at alahas na aabot sa P50,000 ang halaga.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa video footage na naglalakad ang dalawang lalaki papalapit sa bahay na kanilang target.

Makaraan ang halos isa’t kalahating oras, nahagip sa CCTV camera ang paglabas ng dalawa matapos na pagnakaw ang bahay.

Sinabi ng pulisya na walang tao sa bahay nang mga oras na iyon dahil nasa trabaho ang may-ari nito.

“Doon nagkaroon ng opportunity itong mga suspek natin na sirain 'yung lagayan ng aircon. Doon sinira talaga nila 'yung bakal para maka-enter sila doon sa loob ng bahay. Napansin niya dahil 'yung mismong aircon ng kuwarto nila is nalaglag,” sabi ni Police Lieutenant Colonel John Glenn, Commander ng Fairview Police Station.

Nadakip ang isa sa mga suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya,

Nabawi mula sa 18-anyos sa lalaki ang ninakaw nilang dalawang cellphone. Gayunman, hindi na nabawi ang mga alahas na nagkakahalaga ng P50,000.

“Through doon sa tulong ng ating mga CCTV, 'yung backtracking natin, itong mga suspek kasi is dati nang may mga kaso at sa tulong din ng mga barangay natin, doon na-identify na itong mga suspek is same residente ng barangay,” sabi ni Siguan.

Dati nang nabilanggo noong menor de edad pa suspek dahil din sa pagnanakaw. Inamin niya ang ginawang krimen.

“Nayaya lang po ako ng barkada. Humihingi po ako ng kapatawaran po sa mga nagawa ko sa kanila po dahil gawa lang din ng kahirapan kaya ko po nagawa ‘yon,” sabi ng suspek, na sinampahan na ng reklamong robbery.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa kasabwat ng naarestong suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA News