Nasawi ang isang 31-anyos na ama matapos siyang bugbugin umano at paluin ng matigas na bagay sa ulo ng mga katropa ng rider, na kaniyang hinabol matapos na takbuhan ang kaniyang batang anak na nabangga nito sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang pagtakbo ng rider habang nakasunod sa kaniya ang biktima, na ama ng pitong-taong-gulang na babaeng nabangga at tinakbuhan umano ng suspek.

Nakarating umano ang rider sa lugar nito, at hindi nagtagal ay makikitang tumakbo palayo ang biktima dahil hinahabol na siya ng tropa ng suspek.

Hindi nakuhanan ng video pero inabutan umano ng grupo ang ama na biktima at pinagtulungan ng grupo. Sinasabing nabagok lang umano ang ulo ng ama nang matumba pero lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinalo ito ng matigas na bagay sa ulo at pumanaw sa ospital.

“Nung unang report sa amin is allegedly, nabagok lang ito dun sa pagtakbo niya, but then with thorough investigation it turned out na pinalo pala, pinalo na ng mga suspek itong biktima po natin,” ayon kay Muntinlupa Chief of Police P/Col. Olivia Ancheta.

Samantala, nakaligtas naman at stable na umano ang kalagayan ng anak ng biktima na na-hit and run ng suspek.

Hindi rin naniniwala ang kapatid ng biktima na basta lang nabagok ang ulo nito na dahilan ng kaniyang pagpanaw.

"Hindi po ako naniniwalang nabagok e. Ang lumabas sa autopsy, basag po ‘yung bungo. Ang sabi naman po sa autopsy, pinalo nga daw po siya ng matigas na bagay,” sabi ni Rogelio Escaros Jr.

"Siya na po ang hinabol pabalik ng mga maraming kabataan. Hindi na po nakunan ng CCTV doon, bumulagta na po ‘yung kapatid ko. Pagdating po namin doon, nangingisay na. Ang sabi daw po pinalo ng matigas na bagay,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, sa tulong ng mga saksi, natukoy na ang pagkakakilanlan ng rider at mga kaibigan nito na sangkot sa krimen.

“Mula po doon sa ating mga witnesses na nagmalasakit sa biktima ay na-file-an na po natin ‘yung tatlong suspect po dito ng murder. Pinag tulong-tulungan po nila itong victim po natin. Pinagpapalo nila, pinagsusuntok. So talagang may intensyon po na patayin ang ating biktima,” ani Ancheta.

Nanawagan si Rogelio sa mga suspek na sumuko upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.

Umapela rin siya ng tulong para sa tatlong anak na mga bata pa na naulila ng kaniyang kapatid na isang construction worker, at tanging kumakayod para sa kaniyang pamilya.

"Sa mga gumawa sa kapatid ko, pakiusap lang, sumuko na kayo. Kung 'di kayo susuko magtatago kayo, wala rin naman eh, walang mangyayari, bigay na lang natin yung hustisya sa kapatid ko,” ani Rogelio.

"Maliliit pa po yun, tatlo 'yung naiwan. Wala naman pong hanapbuhay 'yung asawa. Ang kapatid ko lang po yung naghahanapbuhay...kaya sa mga gustong tumulong, 'yun lang po ang pinapakiusap ko,” dagdag niya. – Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News