Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan matapos tumaob at masunog ang isang sasakyang may kargang produktong petrolyo sa isang pangunahing lansangan sa Egypt, ayon sa kanilang health ministry.

Nangyari ang insidente sa tinatawag na ring road na nag-uugnay sa mga pangunahing highway sa Greater Cairo, kabilang na sa Cairo, Giza at Qalyubia.

Ayon sa isang opisyal, sumiklab ang sunog sa ibabaw ng isang tunnel sa distrito ng Al-Warraq sa Giza. Iniulat naman ng local media na nakontrol na ng mga bumbero ang sunog.

Karaniwan umano ang mga aksidente sa kalsada sa Egypt dulot ng ilang kadahilanan, kabilang ang sobrang bilis ng pagmamaneho, mahinang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at hindi maayos na kondisyon ng mga kalsada.

Sa mga nakalipas na taon, pinalawak ng Egypt ang road network nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong highway at tulay bilang bahagi ng mas malawak na programa sa imprastraktura. Layunin nitong mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at matugunan ang mabilis na paglaki ng populasyon at pagpapalawak ng mga urban area.

Bagama't nakatulong ang mga proyektong ito upang mapabilis ang daloy ng trapiko sa ilang lugar, nananatili ang mga pangamba hinggil sa kaligtasan sa mga kalsada. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News