Nahuli-cam ang pagtakas ng apat na lalaking sakay ng kolong-kolong (uri ng tricycle) dala ang dalawang kambing na kanilang ninakaw sa Lubao, Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ipinakita ang video footage na mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kolong-kolong sa bahagi ng Barangay Dela Paz.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakatali ang mga kambing sa bakanteng lote na malapit sa bahay ng may-ari nang kunin ito ng mga salarin.
Ayon sa pulisya, sa tulong ng barangay officials at komunidad, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kanilang kinaroronan, maging sa kung sino ang nakabili sa mga kambing.
Natunton sa Barangay Lourdes ang kolong-kolong at nadakip ang tatlo sa apat na suspek. Pero naibenta na ang mga kambing.
Nang malaman naman ng nakabili na nakaw ang mga kambing na ibinenta sa kaniya, isinauli niya ang mga hayop pero hindi na niya nabawi ang kaniyang ibinayad.
Mahaharap sa kasong pagnanakaw ang mga suspek, habang hinahanap pa ang isa nilang kasama. – FRJ GMA News
