Arestado ang isang 22-anyos na call center agent matapos niyang pagnakawan ang inuupahan niyang condominium unit sa Barangay Pasong Putik Proper, Quezon City. Ang suspek, umamin sa krimen dahil umano sa delay na sahod.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na biktima ang may-ari ng condo at isa pang umuupa.

“‘Yung victim number one nawawala 'yung kaniyang cellphone. At while 'yung victim number two, nadiskubre niya rin nawawala na 'yung wireless earphone niya. Then na-notice din nila na wala na 'yung ka-roomate nila doon sa condo. Immediately tinawagan nila 'yung cellphone number ng suspect pero cannot be reached na,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Timothy Aniway Jr., Commander ng Pasong Putik Police Station.

Sapul sa CCTV ang suspek na paalis sa condo na bitbit ang lahat ng mga gamit niya.

Ipinost ng mga biktima sa social media ang mga ninakaw na gamit. Kalaunan, may nakipag-ugnayan sa kanila na ibinebenta na ang mga ito online.

Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa Bacoor, Cavite.

“May naka-scroll kaagad doon sa area ng Cavite na nakita 'yung na-post sa online na nawawala. At the same time, ni-reply nila 'yung mga biktima po natin kaya na-track 'yung location ng suspect,” sabi ni Aniway.

Nabawi ang ninakaw na cellphone at wireless earphones na nagkakahalaga ng mahigit P37,000.

Napag-alaman sa imbestigasyon na isang buwan pa lamang umuupa sa condo ang suspek na umamin sa krimen.

“Nagawa ko po siya kasi lack of salary po tapos magdu-due na po 'yung rent namin sa condo. So parang medyo na-delay po 'yung sahod namin sa work. Humihingi po ako ng pasensiya sa nangyari. Sana po mapatawad po nila ako and hindi ko naman po totally gusto nangyari din,” sabi ng suspek.

Sinampahan na siya ng reklamong two counts ng theft. —Jamil Santos/LDF GMA News