Haharap si Vice President Sara Duterte bilang testigo sa sarili niyang impeachment trial sa Senado sa Biyernes, Disyembre 4, upang pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya, ayon sa kaniyang legal counsel nitong Linggo.

Sa isang pormal na manipestasyong isinumite sa Senado na nagsisilbing Impeachment Court nitong Nobyembre 29, ipinaalam ng legal team ni Duterte na Fortun Narvasa & Salazar ang intensiyon ng bise presidente na tumestigo bilang bahagi ng depensa.

"Respondent-Accused will testify to refute all the allegations and malicious accusations against her under the Articles of Impeachment," the manifestation stated.

Sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag, kinumpirma ni defense counsel Michael Poa, na opisyal na nilang ipinaalam sa hukuman ang plano nilang iharap si Duterte bilang testigo.

"We confirm that the Defense has formally manifested before the Honorable Impeachment Court its intention to present Vice President Sara Z. Duterte on 4 December 2026," ani Poa.

Pagsunod ito sa direktiba ng Impeachment Court na nag-aatas sa mga partido na ipaalam ang kanilang mga testigo nang hindi bababa sa limang araw bago ang nakatakdang pagharap ng mga ito. Ipinadala rin prosecution panel ang mga kopya ng naturang abiso sa hukuman.

Nagpasya si Duterte na tumestigo matapos niyang sabihin sa isang press conference noong Biyernes, Nobyembre 27, na hindi pa nila napag-uusapan ng kaniyang mga abogado kung haharap siya bilang testigo.

Sinabi naman ni Senator-judge Ping Lacson na nakahanda sila bilang mga hukom kung tumestigo para sa kaniyang sarili si Duterte.

"I-impose namin ang pagiging korte ng impeachment court. Hindi namin papayagan na mabastos," anang senador.

DI PAPAYAGAN NA MABASTOS

Sinabi naman ni Lacson na hindi sila papayag na mabastos ang Senate impeachment court gaya ng mga eksenang walkout o biglang aalis ang testigo sa gitna ng paglilitis.

Sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, na tumayo ring testigo noon sa kaniyang impeachment trial, bigla itong umalis dahil sumama raw ang pakiramdam.

Subalit ipinasara noon ni dating Presiding Officer Senator Juan Ponce Enrile ang mga pinto sa Senado para walang makalabas.

"Hindi puwedeng walkout na lalabas ka ng Senado eh witness ka. Tinanong ko si Presiding Officer (Sen. Francis Escudero), 'naka-ready ka bang gawin ang ginawa ni Senate President JP ( Enrile) noon? Sabi niya, 'Oo, Manong,'" ayon kay Lacson.'.—FRJ GMA News