Halos dalawang taon matapos ang kaniyang huling laban, magbabalik sa ibabaw ng ring ang boksingerong si Floyd Mayweather Jr. para labanan ang MMA superstar na si Conor McGregor.
Sa ulat ni Chino Trinidad sa GMA News, sinabing kahit pa nasa 40-anyos na Mayweather, nananatiling siyang llamado laban sa mas batang si McGregor.
Usap-usapan ng mga boxing experts na maliit ang pag-asa ni McGregor na manalo dahil sa wala siyang professional boxing experience kontra sa defensive specialist na si Mayweather.
Sa nailathalang odds sa Las Vegas, minus 1000 si Mayweather samantalang plus 650 naman si McGregor, na ang ibig sabihin ay llamado si Mayweather.
Taglay ni Mayweather ang malinis na record na 50-0, kabilang sa kaniyang tinalo ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao noong Mayo 2015.
Sa pag-akyat muli ni Mayweather sa ring sa Agosto 26 sa Nevada, USA, boxing rules ang gagamitin nila ni McGregor.
Nakatakda ang timbang sa 154 pounds sa loob ng 12 rounds na isu-supervise ng Nevada State Athletic Commission.
Si McGregor ay two-division UFC champion at lightweight champion ngayon na may kahanga-hangang kaliwang kamay sa kaniyang atake.
Pinaniniwalaan na magiging alas niya ito laban kay Mayweather, na sinasabing hirap kontra sa mga kaliwete.
Pero dahil sa naging laban nila Pacquiao, posibleng nakita na ni Mayweather ang susi para malusutan ang mga kontra-tiyempong atake ng mga kaliwete.
Sinabi ni Jonathan Snowden ng Bleacher Report, sinasabing maaaring maging pag-asa ni McGregor para manalo ang kalawang ni Mayweather dulot ng dalawang taon na retirement. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
