Sa pagsulong ni Senate President Alan Peter Cayetano na pagbotohan kung tatanggapin ang mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na talakayin ang pag-amyenda sa Rules ng Senado sa plenaryo upang payagan ang mga senador na lumahok sa mga sesyon via online, tumayo si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, at humirit ng “quorum call,” na dahilan upang ipagpaliban ang naturang diskusyon. Ano nga ba ang kahalagahan ng quorum sa trabaho ng mga mambabatas? Alamin.

Ang quorum ay sapat na bilang ng mga “present” na mga mambabatas – sa Senado man o Kamara de Representantes— na dumadalo sa sesyon sa plenaryo. Higit sa kalahati dapat ng bilang ng mga mambabatas ang nasa plenaryo upang makabuo ng quorum at maging “legal” o balido ang anumang tatalakayin o aaprubahan nila.

Sa panig ng Senado, mayroong kabuuang 24 ang mga senador. Dahil dito, kailangan ang higit sa 13 senador na present sa sesyon o nasa plenaryo upang magkaroon ng quorum.

Nitong nakaraang Martes, natigil ang pagtalakay sa mosyon ni Marcoleta tungkol sa pag-amyenda sa Rules ng Senado nang biglang mag-walkout o umalis sa session hall ang mga kasapi ng minorya na pinangungunahan ni Sotto. Bunga nito, hindi na umabot sa 13 ang naiwang senador sa plenaryo.

Kaya nang hilingin ni Sotto na ipagpaliban na ang deliberasyon o magsagawa ng “quorum call,” hindi na tumutol si Cayetano at maging ang presiding officer na si Sen. Loren Legarda, kung hindi sundin ang mosyon ni Sotto na mag-adjourn.

Sa isang text message sa GMA News, ipinaliwanag ni dating Sen. Franklin Drilon, dati ring Senate President at dating majority leader, ang kapangyarihan at konsepto ng quorum.

“Leaving the session hall to force an adjournment (dahil sa kawalan ng quorum) is a parliamentary practice that is resorted to in order to prevent the approval of a measure,” sabi ni Drilon.

Si Sotto naman, inalala ang mga nakaraang pagkakataon nang mag-walk out ang mga senador mula sa session hall.

"Yes, a number of times. During the time of Avelino and my grandpa. Then, during the time of Salonga. Then kami nina Nene," sabi ni Sotto sa isang text message.

Si Sotto ay apo ni Sen. Vicente Sotto, na kasamahan ni Sen. Jose Avelino. Tinutukoy din niya ang mga dating Senate President na sina Jovito Salonga at Aquilino "Nene" Pimentel.

Ano nga ba ang bumubuo sa isang quorum sa isang lehislatibong kapulungan na tulad ng Senado?

Inilahad ng Rule XV Section 44 ng Senate Rules ang quorum bilang mayorya ng mga senador, “and, in its absence, a smaller number may adjourn from day to day and may compel the attendance of absent members in the manner provided in Section 99 hereof.”

Sa kaso nga ng Senado na may 24 na miyembro, nangangailangan ng 13 miyembro na naroroon sa session hall para magkaroon ng quorum:

Binubuo ngayon ang mayorya ng Senado ng eksaktong 13 miyembro na sina:

  • Alan Cayetano
  • Pia Cayetano
  • Bong Go
  • Bato dela Rosa
  • Chiz Escudero
  • Jinggoy Estrada
  • Loren Legarda
  • Rodante Marcoleta
  • Imee Marcos
  • Robin Padilla
  • Joel Villanueva
  • Camille Villar
  • Mark Villar

Ngunit dahil nagtatago si Dela Rosa upang maiwasan ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng mga pagkamatay sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, lumalabas na 12 na lamang ang mayorya na pinangungunahan ni Cayetano, ang bagong Senate Presidente.

Gaya ng sinabi ni Sotto sa pagtatapos ng sesyon noong Martes, nakasaad sa Section 45 ng Senate Rules na, “Should the question of lack of quorum be raised, the Chair, without debate, shall immediately proceed to a verification thereof by causing the reading of the roll of the Senators and announcing forthwith the result.”

Kung walang quorum, nakasaad sa Section 99 na, “the lack of quorum shall compel the President to adjourn the session, unless, by means of motion, which shall not be subject to debate, a majority of the Senators present agree to its suspension and ask the President or Presiding Officer to order the Sergeant-at-Arms to require the appearance of the absent members or, if it is deemed necessary, to order their arrest so as to form the necessary quorum.”

Noong Martes ng gabi, walang kasunduan sa mga senador na naroroon pa sa session hall na utusan ang Sergeant-at-Arms na hilingin ang pagdalo ng "absent members."

Isang insidente noong Hunyo 4, 2010 na naging hadlang ang kawalan ng quorum sa pagpasa ng isang mahalagang panukala sa Kamara.

Sumigaw ang ilan bilang protesta at lumuha ang iba habang pinapanood ang pagtatapos ng sesyon ng House of Representatives nang hindi umaaksyon sa isang panukalang batas para sa freedom of information bill na maaari sanang maipasa sa loob lamang ng ilang minuto.

Dahil 128 lamang sa 268 miyembro ang naroroon, nabigo ang Kamara na pagtibayin ang pinagkasundong bersiyon ng panukala. Magbibigay sana ito ng dagdag na transparency sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga mamamayan ng mas madaling access sa mga dokumento at datos ng gobyerno, at pagpapataw ng mga parusa para sa pagtanggi sa karapatan.

Ngunit kung maaaprubahan ang hangarin ni Marcoleta na mabago ang Rules ng Senado upang payagan ang kapuwa senador na makadalo sa deliberasyon via online, posibleng hindi na kakailanganin ng senador na pisikal na dumalo sa sesyon upang magkaroon ng quorum, at maaaring papayagan din ang kanilang kasapi na bumoto sa tinatalakayan na usapin via online.

Gayunman, hindi pa lubos na natatalakay ang mga detalyeng nakapaloob sa mosyon ni Marcoleta dahil na rin sa paniwala ng grupo ng minorya ni Sotto, na dapat munang pag-usapan ang detalye nito sa Rules committee sa halip na dalhin agad sa plenaryo, gaya ng nangyari noong Martes.

Ang problema, dahil sa pagbabago ng liderato sa Senado nang mahalal na bagong Senate President si Cayetano, hindi pa nabubuo ang Rules committee kung sino ang mga senador na magiging miyembro nito. – FRJ GMA News