Inanunsyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Martes na nakipag-partner ito sa Commission on Higher Education (CHED) upang matulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Ayon sa OWWA, magbibigay ito ng scholarship sa mga kuwalipikadong OFW sa ilalim ng Lifelong Learning Education Assistance Program for OFWs (LEAP-OFWs).

“Simulan ko na lang sa mga kuwento ng mga kababayan natin sa Saudi Arabia na nagtatrabaho sa mga engineering firms, ngunit hindi sila nakatapos ng engineering course. Pero umabot na rin ng dekada ang kanilang experience,” ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Sa ilalim ng LEAP-OFWs, maaaring tapusin ng mga kuwalipikadong manggagawa ang kanilang degree sa pamamagitan ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) ng CHED, ayon kay Caunan.

“Dahil sa ETEEAP program, magkakaroon sila ng pagkakataon na magkaroon ng college degree in engineering, leading ito sa pagkuha nila ng licensure exam," ani Caunan.

"Pero in six months to two years, make-credit ang kanilang actual experience dahil sa ETEEAP. Ang suporta ng OWWA dito ay ang pagbibigay ng educational assistance or scholarship sa mga OFWs na nais tapusin ang kanilang pag-aaral,” dagdag niya.

Nilagdaan bilang batas ang ETEEAP noong Marso 2025 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga working professional na matapos ang kanilang college degree para sa career advancement.

Ayon sa OWWA, makatutulong ang pagkakaroon ng degree upang makakuha ang mga OFW ng promosyon o mas magandang oportunidad sa Pilipinas at sa ibang bansa.

“Kapag natapos nila ito, it will open up more opportunities for them—promotion sa kanilang current na trabaho at oportunidad na bumalik sa Pilipinas at maghanap ng mas magandang trabaho,” ani Caunan.— Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News