Nahuli-cam ang pagkasira ng bahagi ng isang tulay sa Hubei, China dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog. Sakto namang tumirik ang isang kotse sa ibabaw nito at nahulog kinalaunan sa tubig.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita na unti-unti nasisira ang bahagi ng tulay dahil sa malakas na ragasa ng tubig sa ilog na nasa ibaba nito.

Isang kotse naman ang tumirik at nataon na nakapuwesto sa bahagi ng tulay na unti-unti bumabagsak,

Hanggang sa tuluyan na ring bumigay ang bahagi ng tulay na kinaroroonan ng kotse, at nahulog na ito sa ilog, at tinangay ng malakas na agos ng tubig.

Sa kabutihang-palad, ligtas ang mga sakay ng kotse dahil nagawa nilang makaalis sa sasakyan bago ba man ito mahulog sa tubig.

Ayon sa ulat ng local media, nagkaaberya ang sasakyan kaya hindi na naiatras ng tubig sa ligtas na lugar.

Nitong Lunes, isinailalim sa red flag warning lugar dahil sa masamang panahon na nagdudulot ng malakas na ulan. –FRJ GMA News