Patay sa pamamaril ang isang 31-anyos na kagawad ng barangay na nangyari ng barangay hall sa Calasiao, Pangasinan. Sa CCTV footage, nakitang nagawa pang makatakbo ng biktima nang magkaaberya ang baril ng suspek pero hinabol pa rin siya hanggang sa tuluyang maitumba.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen nitong Miyerkoles ng gabi sa barangay hall ng Barangay Poblacion East.
Kinilala naman ng pulisya ang biktima na si Jodel Diolazo, na incumbent kagawad ng nasabing barangay.
Batay sa CCTV footage, nakita ang pagtigil ng isang motorsiklo hindi kalayuan sa barangay hall dakong 11:35 p.m. Isang sakay nito ang naglakad patungo sa barangay hall kung saan nakahiga naman ang biktima.
Ayon sa pulisya, pumalya ang baril ng salarin nang unang putukan ang biktima kaya nagawa pa ni Diolazo na makatakbo. Pero hinabol siya ng salarin at muling pinagbabaril hanggang sa tamaan na at mapatay.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Rodel Gabatin, hepe ng Calasiao Police Station, apat ang tinamong tama ng bala ng biktima.
“Sa kaniyang tiyan may tatlong tama tapos sa ulo may isang tama,” ani Gabatin.
Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Gabatin tungkol sa isinasagawa nilang imbestigasyon para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga nakatakas na salarin.
“Ongoing ang ating backtracking sa mga CCTV footage para ma-trace natin kung sino ang possible na mga suspek,” ani Gabatin.
Hustisya naman ang panawagan ng mga naulila ng biktima, na walang alam sa posibleng dahilan para paslangin ang kagawad.—FRJ GMA News
