Nagprotesta ang mahigit dalawandaang estudyanteng Moro at Lumad sa harap ng Department of Education para tutulan ang umano'y nagaganap na militarisasyon sa Mindanao.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ni Rico Bunanay, tagapagsalita ng grupong Salinlahi, na kinukondena rin nila ang hindi raw pagtugon ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga insidente ng pag-atake sa mga paaralan ng mga Lumad.

Ayon sa ulat, mahigit 87 paaralan umano sa Mindanao ang apektado ng giyera, kabilang na ang pananakot sa mga guro at pagbansag sa ilang eskwelahan na paaralan ng New People's Army.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Secretary Briones sa hinaing ng mga nagprotesta.

 

"Itigil ang militarisasyon sa mga paaralan, huwag gawing kampo 'yung mga eskwelahan. Respetuhin 'yung karapatan ng mga mamamayang lumad du'n sa kanilang sariling pagpapasiya, pagdesisyon sa kanilang sarili at pagtataguyod ng paaralan para sa kanilang mga anak," ayon kay Bunanay. — Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News