Puno ng emosyon na pinanood ng cast, production staff at crew ng “Cruz vs Cruz” ang finale ng kanilang series nitong Sabado, at sinabing mami-miss pa rin nila ang kanilang bonding sa set.
Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing puno pa rin ng emosyon ang huling episode.
Imbes na kasuklaman ng viewers ang karakter ni Gladys Reyes na si Hazel Cruz, nangibabaw ang awa sa kaniyang karakter. Dama kasi sa pag-arte ni Gladys ang sakit ng pagmamahal na hindi nasuklian.
“Nakakatawa kasi kami na nga ‘yung gumawa, naiiyak pa rin kami. Affected pa rin kami,” sabi ni Gladys.
Dama rin ang hugot nina Vina Morales bilang si Felma Cruz at Neil Ryan Sese bilang si Manuel Cruz, na naisapuso na ang kanilang mga role matapos ang halos isang taong pagganap sa kanilang mga karakter.
“Ako very grateful at thankful na naging part ako ng show na ito at sumugal sa akin ang GMA Network para ibigay sa akin 'yung role na Manuel Cruz,” sabi ni Neil.
“Not all teleseryes na ganitong ka-close at kasaya. That's why isang karangalan na kasama po ako sa Cruz vs Cruz,” sabi ni Vina.
Apat na beses kada linggo ang taping ng Cruz vs Cruz kaya sepanx ang kanilang nararamdaman sa pagtatapos ng series.
“Actually lahat, aakalain mong intimidating at first. Masaya pala sila, kalog sila, sarap kasama. Hindi kami nabo-bored, hindi kami napapagod kasi 'yung bond, 'yung fun,” sabi ni Lexi Gonzales.
Pagkatapos ng Cruz vs. Cruz, bibida si Vina sa “Born To Shine” kung saan niya ipamamalas ang kaniyang singing prowess.
“I did a lot of research. Isa na rin 'yung maybe it helps, it added because I have a different look. Nakita niyo naman, nakaayos ako. Artista, singer, diva,” sabi ni Vina. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
