Nanindigan si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa kaniyang pagtutol sa agresyon ng China sa mga pinag-aagawang dagat matapos maghain ang Beijing ng diplomatic protest laban sa kaniya dahil sa pag-post niya ng mga imahe sa social media na inaatake at binabahiran umano ang mga lider nito.
“There's no authority for the Chinese Embassy to ask us to explain,” sabi ni Tarriela sa isang news forum nitong Sabado.
“I don't think there's a need for me to apologize to the Chinese Embassy,” dagdag pa ni Tarriela.
Matatandaang pinuna ng Chinese Embassy sa Maynila si Tarriela dahil sa pag-post niya ng mga imahe sa social media na inilarawan ng bansa na "attacking and smearing Chinese leaders."
“This constitutes a serious violation of China's political dignity and a blatant political provocation, which has crossed the red line,” saad ng Chinese embassy.
“China expresses strong indignation and strongly deplores this, and has lodged solemn representations with the Malacañang Palace, the Department of Foreign Affairs, and the Philippine Coast Guard,” dagdag nito.
Tungkol sa diplomatic protest na inihain ng China laban sa kaniya, sabi ni Tarriela “It's a DFA (Department of Foreign Affairs) concern… diplomatic relations is not our concern.”
Nauna na ring bumuwelta ang opisyal ng PCG sa pahayag ng embahada ng China, kung saan sinabi niyang ang kaniyang mga post ay hindi "smears" o "slanders" kundi mga makatotohanang kaganapan na suportado ng video evidence, mga litrato, mga opisyal na ulat ng PCG, at mga obserbasyon ng ikatlong partido.
“My role as spokesperson for the WPS is to transparently communicate these realities to the Filipino people and the world, in full alignment with our government's commitment to rules-based order and international law,” sabi niya.
“If the Chinese Embassy objects to images or expressions that highlight these violations—often through legitimate public discourse or even satire—it only underscores discomfort with the truth being exposed” dagdag pa niya.
Noong Huwebes, tumugon si Tarriela sa isang post sa social media sa deputy spokesperson ng Chinese Embassy sa Maynila na si Guo Wei matapos siyang akusahan ng opisyal ng Beijing ng paggawa ng mga maling pahayag tungkol sa isyu ng South China Sea.
Patuloy ang tensiyon dahil sa pag-aangkin ng Beijing sa halos buong South China Sea, na daluyan ng mahigit $3 trilyon na taunang kalakalan mula sa mga barko, kabilang ang mga bahaging inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Ang mga bahagi ng South China Sea na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay pinalitan ng pangalan ng gobyerno bilang West Philippine Sea upang palakasin ang pag-aangkin ng bansa.
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa mga lugar pandagat sa kanlurang bahagi ng arkipelago ng Pilipinas kabilang ang Luzon Sea at ang mga katubigan sa paligid, sa loob at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Noong 2016, nagpasiya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas laban sa mga pag-aangkin ng Tsina sa South China Sea, kung saan sinabi nito na walang legal na batayan ang China.
Gayunman, hindi kinikilala ng China ang desisyon. —VBL GMA Integrated News

