Isang 77-anyos na lola ang nailigtas mula sa nasusunog niyang bahay sa Barangay Payatas, Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw. Ang pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog, ang sinindihang katol.

Sa GMA News "Unang Balita" ni Jay Sabale nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa bahay ni lola Virginia Manansala  sa Payatas Road, Group 13, dakong 4:00 a.m.

Kuwento niya, malakas na ang apoy nang magising siya at hindi siya makalabas ng bahay.

"Binuksan ko yung pinto, hindi ko mabuksan-buksan, tawag ako nang tawag sa mga anak ko. Tinadyakan nila yung pinto kaya nakapasok sila sa bahay ko," ayon kay Manansala.

Umiiyak na nanghihinayang ang matanda sa mga natupok niyang ari-arian lalo na ang kaniyang identification card.

"Meron akong kaunting natabi-tabi nandu'n pa at ang aking lahat mga ID. Yung ID importante 'yon sa buhay ko," lahad niya.

Mabilis namang naapula ang sunog dahil sa maagap na pagdating ng mga bumbero na nakatulong ng mga residente.

"Siguraduhin po nating malayo ang katol sa higaan natin tsaka nakahiwalay po siya. Kailangan i-secure natin na wala talagang masusunog sa paligid," payo ni Fire Officer 3 Noel Palconayo. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News