Sa kulungan ang bagsak ng isang ama na nambugbog ng 16-anyos na lalaki na kasintahan ng kaniyang unica hija noong 2015.
Umamin ang suspek na tutol siya sa relasyon ng dalawa.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Jesser Unay, 40-anyos, na nadakip ng mga awtoridad sa bahay niya sa Payatas, Quezon City, matapos itimbre ng isang residente.
Hindi na pumalag pa si Unay nang iabot sa kaniya ng mga pulis ang arrest warrant.
"Ito ang tinitignan nating dahilan ng pagkakaroon ng kaso ng tatay ng violation ng 7610 kung saan 'yung root cause ng pananakit ay nasaktan dahil nga tutol sa relationship itong ama," pahayag ni Superintendent Rossel Cejas, commander ng QCPD Station 6.
Bagama't aminado sa pagtutol sa relasyon ng kaniyang anak at ng biktima, itinanggi niya na binugbog niya ito.
Nasa tamang edad na ngayon ang biktima na si Erickson Asis. Pinakiusapan ni Asis ang pulisya na pakawalan ang naarestong tatay ng kaniyang nobya.
Ayon sa kaniya, wala raw kasalanan ang "future dad" niya sa nangyari noong 2015.
Ngunit galit sa suspek ang kaniyang mga magulang.
"Ikonsulta na lang sa korte o sa kanilang abogado kung ano ang dapat gawin para ma-resolve 'yung case," payo ni Cejas.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang dalawa pang lalaking kasama ni Unay sa pambubugbog.
Kailangan namang magpiyansa ni Unay ng P80,000.
Payo ni Unay sa kasintahan ng unica hija, "Ang masasabi ko, 'yung anak ko alagaan mo. 'Wag mo siyang pababayaan saka mahalin mo nang husto anak ko gaya ng pagmamahal ko."
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa RA 7610 o child abuse. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
