Kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano ngayong Huwebes sa mga mamamahayag na wala na sa Senado si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Nangyari ito matapos ang mga putukan ng baril sa ikalawang palapag ng kapulungan nitong Miyerkoles ng gabi, na iginiit ni Cayetano na totoong pag-atake at hindi gawa-gawa lang.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni Cayetano na dakong 1:27 pm nang tawagan siya ni Sen. Jinggoy Estrada para ipaalam na posibleng umalis na ng Senado si Dela Rosa.
Ayon pa kay Cayetano na nahalal na bagong Senate President nito lang Lunes, inatasan niya ang kaniyang staff na alamin sa Sergeant-at-Arms kung totoo na nakaalis ng Senado si Dela Rosa.
Kinumpirma naman umano kinalaunan ng Sergeant-at-Arms na wala na sa kanila ang senador, na nais arestuhin ng National Bureau of Investigation sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Inihayag din ni Cayetano na nagpadala sa kaniya ng text message ang asawa ni Dela Rosa, at sinabing “tumakas” umano ang senador dahil ayaw na nitong madamay pa ang ibang tao sa Senado nang dahil sa kaniya.
Iginiit din ni Cayetano na hindi maituturing “tumakas” si Dela Rosa dahil wala umanong ipinapakitang arrest warrant ang NBI na basehan ng planong pagdakip sa kanilang kasamahan.
Noong Lunes, tinangka ng NBI na arestuhin si Dela Rosa nang dumalo ito sa sesyon ng Senado matapos na hindi magpakita sa kapulungan ng halos anim na buwan.
Kasabay ng pagdalo ni Dela Rosa sa sesyon, bumoto siya (kasama ang 12 iba pang senador) pabor sa pagpapatalsik kay Sen. Tito Sotto bilang Senate President, at ipinalit si Cayetano.
Iginiit din ni Cayetano na intake ng mga armado ang Senado nitong Miyerkoles at hindi gawa-gawa lang pang makaalis si Dela Rosa.
"The Senate was under attack," emosyonal na sabi ng senador. "All of you -- your lives were in danger last night. I know it's your job to ask a question but you will tell me kapag may nagpaputok, hindi under attack yun? My god, we're a democracy. This is the Senate of the Philippines."
Base umano sa paunang imbestigasyon mula sa Department of the Interior Local Government (DILG), sa 32 putok ng baril, 27 ang nanggaling sa mga tauhan ng security personnel ng Senado o ang OSAA.
Ang OSAA umano ang unang nagpaputok ng “warning shot” pero gumanti ng putok ang armadong grupo.
"Kapag sinabi na kami muna ang nagpapaputok at umatras sila o sinabing guard sila ng GSIS, sabihin niyo baka ito ay gawa-gawa lang," ani Cayetano.
"Pero nag-caucus kami dito. Hinihintay ang Articles of Impeachment... Napakagaling ko naman mag-orchestrate nang lahat ng ‘yan. Kaya ko papuntahin dito mga armadong grupo,'" dagdag niya.
Kung tutuusin umano, madali namang makaalis ng Senado si Dela Rosa dahil wala namang arrest warrant laban sa kaniya.
“If Sen. Bato and I wanted to plan him going out, it's very simple, sumakay siya sa kotse ko and I'll bring hime out. Hindi naman siya under arrest eh,” paliwanag ng senador.
“Sen. Bato did not escape, he chose to leave,” dagdag ni Cayetano na ipinaliwanag na hindi arestado o nakadetine ang kapuwa niya senador. -- Sundy Locus/FRJ GMA News

