Usap-usapan ngayon online ang tungkol sa prenup o prenuptial agreement dahil ilang kasal ang nauudlot dahil hindi nagkakasundo sa nakasaad rito. Kailangan nga ba ng prenup, at ano ang mga dapat na nakapaloob dito?
Sa Ask Atty. Gaby sa Unang Hirit, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na isang legal na kasunduan ang isang prenup o prenuptial agreement, o tinatawag ding marriage settlement sa dalawang taong nagpaplanong magpakasal.
Kasunduan ito kapag ikakasal na ang bride at groom, tungkol sa kung ano ang iiral na property regime, o sistemang gagamitin para ayusin ang kanilang ari-arian at income, at kung paano nila ito pagsasamahin o paghihiwalayin.
Dapat na pirmado ito ng dalawang sangkot na Partido, at dapat pirmahan ito bago ikasal.
“Kasi kapag walang prenup, ang magiging property regime ng mag-asawa ay ang tinatawag na absolute community of property. Lahat ng property ng mag-asawa before and after the marriage ay magiging property ng mag-asawa, at kung maghiwalay sila paghahatian ito ng 50/50,” paliwanag ni Atty. Gaby.
Kaya kung may lupa ang babae na P100 milyon bago ikasal, at “zero” naman ang lalaki, at ikinasal sila ng walang prenup, magiging joint property nilang dalawa ang P100 milyong property.
At kapag naghiwalay sila, P50 milyon ang magiging share ni babae at P50 milyon ang sa lalaki.
“Kailangan kayo gumawa ng prenup, para hindi absolute community ang magiging automatic property regime ninyo,” paliwanag ni Atty. Gaby.
Payo ni Atty. Gaby, pinaka-patas pa rin ang tinatawag na property regime na conjugal partnership of gains.
“Ibig sabihin, sa property regime na ito, ang magiging co-owned property lamang ng mag-asawa ay lahat lamang ng pera at property na ma-e-earn nila habang kasal na sila. Lahat ng property bago sila ikasal ay magiging separate at sarili nilang property,” sabi niya.
Kaya kung may P100 milyong property ang babae bago ikasal at walang property ang lalaki – at ikinasal na conjugal partnership of gains ang property regime nila, separate property pa rin ng babae ang P100 milyon niyang property. At kapag naghiwalay sila, sa kaniya pa rin ito nang buo at wala pa ring makukuha ang lalaki.
Bukod dito, maaari din ang complete separation of property, o magkahiwalay nang buo ang mga ari-arian ng mag-asawa, at pareho silang walang aariin.
Maaari din ang kombinasyon, ngunit mas komplikado ang kasunduan.
Ipinaliwanag pa ni Atty. Gaby na hindi puro tungkol sa pera at kayamanan ang prenup.
“Maaari itong magkaroon ng provision na pagkilala sa isang anak sa pagkadalaga o pagkabinata, halimbawa. Or in case na magkahiwalay at kasalanan ito ng isang party, magkakaroon ng waiver to certain property or interest in properties,” sabi niya.
Maaari ding idiin ang pagkakaroon ng sariling trabaho at karera ng bawat isa.
Samantala, ipinaliwanag ni Atty. Gaby na hindi dapat gawing issue na tulad ng property at pera ang isyu ng automatic custody ng mga bata.
“Ang issue ng sino dapat ang magkaroon ng custody ng mga bata ay depende sa best interest of the child, at kung sino ang “better” or more fit na parent. At depende rin sa age ng mga bata - sa Pilipinas usually a child of less than 7 years of age halimbawa ay hindi ihihiwalay sa nanay – unless may finding na hindi siya fit to be a parent,” sabi niya.
Nagpayo si Atty. Gaby na huwag biglang ilalabas at papipirmahan ang prenup agreement sa mismong araw ng kasal.
“Dapat maaga pa lang, pinag-uusapan na. It’s better to talk about things na wala pang gulo para ‘cuentas claras’ ang lahat ng bagay,” payo niya.—FRJ GMA News
