Nagpaliwanag si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kung bakit nagsagawa ng drilling sa pintuang nakapagitan sa gusali ng Government Service Insurance System (GSIS) at Senado bago mangyari ang putukan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa isang punong balitaan nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Matibag na isinagawa ang drilling para i-secure nila ang naturang lugar.
“Nakita ko rin po ‘yung video na ‘yan at kung makikita niyo naman po ‘yung mga suot ng taong nagdi-drill, hindi naman pang-assault. Ang nagdi-drill po, tinatanggal po nila ‘yung lock because the access from the Senate going to GSIS, ‘yung susi po, ang report sa akin ni (GSIS President and General Manager Jose Arnulfo Veloso) is nandoon sa Senate,” sabi ni Matibag.
“Ang gusto po niya, isara ‘yung lugar na ‘yun kasi nga po labas-masok na raw po ang iba't ibang tao. Hindi na po ma-secure ‘yung lugar at ‘yung mga employees,” dagdag ni Matibag.
Ayon pa sa kaniya, isinagawa ang drilling para hindi na ito madaanan.
“Kaya kung makita niyo po ‘yung video, drilling tapos hinarangan po ng metal cabinet para hindi po madaanan na ‘yung lugar po na ‘yun,” sabi ng opisyal.
Batay sa mga naunang ulat, may mga ahente umano ng NBI na pumasok sa Senado at dumaan mula sa GSIS.
'Staged'?
Nagbigay din ng pahayag si Matibag sa mga usaping “staged” o gawa-gawa lamang umano ang nangyaring gulo sa Senado.
“That is part of an ongoing investigation, ipinasok naman lahat ‘yan. Sa ngayon, magkatulong ang NBI at PNP. Ri-review-hin natin ang footages kung may mga CCTV, at we will use our forensic capabilities para malaman natin kung ano talaga ‘yung nangyari,” ani Matibag.
May nadinig na mga putok ng baril sa Senado nitong Miyerkules ng gabi habang nagpapatuloy ang lockdown at nasa protective custody ng kapulungan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nadinig ang mga putok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado.
Noong Lunes, tinangka ng mga ahente ng NBI na arestuhin si Dela Rosa sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, kaugnay sa umano’y pagkakasangkot ng dating hepe ng Philippine National Police, sa madugong war on drugs na ipinatupad ng dating administrasyong Duterte. -- Jamil Santos/FRJ GMA News

