Inihayag ni Chelsea Fernandez na nawalan siya ng P100,000 matapos niya itong aksidenteng maiwan sa loob ng sasakyang kaniyang na-book gamit ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) app.

Sa Instagram nitong Miyerkules, ibinahagi ng beauty queen ang video niya habang nasa entablado sa coronation night ng The Miss Philippines 2026, na nakasaad na, "she doesn't know it yet but after this event, she'll lose P100,000 after leaving it in the car she booked and no one will help and cooperate."

Ayon kay Chelsea, nangyari ang insidente ilang sandali matapos siyang dumalo sa pageant event.

Sa caption, hindi maitago ni Chelsea ang kanyang matinding panghihinayang sa nangyari.

“I don’t know anymore. I feel devastated,” saad niya.

Sa comment section, sinabi ni Chelsea na nai-report na niya ang insidente sa ride-hailing app at umaasa siyang mareresolba agad ang usapin.

Hindi pinangalanan ng beauty queen ang TNVS company, ngunit sumasagot si Chelsea sa mga fans na binabanggit ang naturang e-hailing app sa comments section.

Tinanghal si Chelsea bilang Miss Cosmo 2025 1st Runner-Up sa pageant na ginanap sa Vietnam noong Disyembre 2025. Nanalo rin siya sa Cosmo People’s Choice matapos makakuha ng mahigit 28.3 milyong online votes sa naturang pageant.

Dumalo siya sa coronation event ng Miss Philippines 2026 upang koronahan si Bella Ysmael na kanyang kahalili bilang Miss Cosmo Philippines 2026.— Jade Veronique Yap/FRJ GMA News