Kulong ang isang 19-anyos na babae matapos niya umanong kikilan ang isang dating nobya ng kaniyang ex-boyfriend, para hindi niya ikalat sa internet ang isa nilang maselan na video.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Maicka Lintog, na inaresto sa isang remittance center sa Floridablanca, Pampanga.

Nahuli ng mga operatiba sa akto ang suspek na kumukuha ng isang padala mula sa nagrereklamong si "Shiela", hindi niya tunay na pangalan, at dati ring nobya ng dating nobyo ni Lintog.

Nagbanta raw si Lintog na ilalabas ang maselang video ni Shiela kasama ang dating nobyo kung hindi siya magbabayad ng pera.

"Ang unang hiningi niya po is P4,000 hanggang sa naibaba po natin sa P1,000. Ang kapalit po is huwag ia-upload 'yung isang video. So isa lang po 'yon, marami siyang video," sabi ni Police Chief Inspector Joseph Villaran, chief, Anti-Cybercrime Group, Region III.

Kusa namang sumama ang suspek nang arestuhin ng mga pulis, na aminado sa kaniyang nagawa.

"Kasi po merong copy po 'yung ex ko ng videos nila. Tapos po nu'ng nalaman ko po na niloloko niya po ako... niloloko niya po kami kasi may iba pa po siyang babae. Sinave (save) ko po sa Vimeo po," sabi ni Lintog.

Ayon pa kay Lintog, nagawa niya ang krimen nang dahil sa galit, dahil nalaman niyang may komunikasyon pa si Shiela sa dating nobyo noong magkarelasyon pa sila.

Hindi na raw hahabulin ni Lintog ang kaniyang ex, na sa ngayo'y may iba nang kinakasama.

Umaasa ang suspek na mapapatawad pa siya ng biktima dahil mayroon siyang anak.

"Wala naman talaga akong balak na ikalat 'yung video. Tsaka wala naman akong balak na sirain 'yung buhay niyo. Maawa ka sa akin kasi may anak pa ako," sabi ni Lintog.

Maaaharap ang suspek sa kasong robbery extortion. —Jamil Santos/NB, GMA News