Patay ang isang pulis na nagsasagawa ng operasyon sa Pasig City nang makaengkwentro nila ang isang lalaki na sangkot umano sa droga nitong Lunes. Isa pang pulis ang nasugatan sa naturang insidente.

Kinilala ang nasawing pulis dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan na si Police Officer 3 Wilfredo Gueta, nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (SDEU).

Tinamaan naman sa binti ang kasamahan niyang PO1 Raymond Dela Cruz.

Nasawi rin ang sinasabing drug personality na si Roberto Liaguno, na nakasagupa ng mga awtoridad sa bahay nito sa Brgy. Caniogan sa Pasig City noong tanghali ng Lunes.

Sa panayam ng GMA News TV 'QRT" kay P/Sr. Superintendent Orlando Yebra, hepe ng Pasig Police, sinabi nito na nagsasagawa ng beripikasyon ang grupo ni Gueta tungkol sa mga drug personality  na nasa watchlist sa nabanggit na lugar nang mamataan si Liaguno.

Kaagad umanong tumakbo si Liaguno patungo sa bahay nito at hinabol ni Gueta habang kasunod si Dela Cruz. 

Nang sumisilip umano si Gueta sa loob ng bahay, nakarinig ito ng putok ng baril kaya nagpasya ang pulis na pasukin na ang bahay, ayon kay Yebra.

Dagdag pa ng opisyal, batay sa kuwento ni Dela Cruz, inabutan niya na nagpapambuno sina Liaguno at Gueta nang makita niya sa loob ng bahay.

Pero naitulak umano ni Liaguno si Gueta at pinagbabaril.

Pinaputukan din umano ng suspek si Dela Cruz, at gumanti naman ang pulis na dahilan para mapatay din si Liaguno.

Ayon kay Yebra, may standing warrant of arrest si Liaguno mula sa Antipolo pero hindi nito binanggit kung anong kaso.

May isa pa umanong lalaki sa loob ng bahay na pinaghahanap na rin umano ngayon ng mga pulis para malaman ang partisipasyon sa nangyaring insidente.

Nakakuha umano ang mga awtoridad ng dalawang plastic sachet na may laman na hinihinalang shabu, drug paraphernalias at mga basyo ng bala sa pinangyarihan ng engkuwentro. -- FRJ, GMA News