Sa botong 38-2, idineklara ng mga kasapi ng House Committee on Justice nitong Huwebes na may basehan ang impeachment complaint na inihain laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Tanging sina Representatives Kaka Bag-ao (Dinagat Islands) at Jose Christopher "Kit" Belmonte (Quezon City), ang hindi sumang-ayon sa mosyon na inihain ni ABS party-list Representative Eugene Michael De Vera na may probable cause ang reklamong isinampa ni Atty. Lorenzo "Larry" Gadon laban sa punong mahistrado.
LIST: Mga mambabatas na bumoto pabor sa impeach complaint vs Sereno
Inakusahan ni Gadon si Sereno na nakagawa ng mga kasalanan na basehan para siya patalsikin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment, tulad ng "culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes and betrayal of public trust."
Dahil dito, ihahanda ng komite ang report na isusumite nila sa plenaryo para pagbotohan naman ng lahat ng mga kasapi ng Kamara de Representantes.
Kapag inaprubahan ng buong kapulungan ang reklamo, ihahanda naman ang "Articles of Impeachment" na kanilang isusumite sa Senado, na tatayong hukom sa paglilitis sa punong mahistrado.
Gayunman, hindi pa malinaw kung kailan isasalang sa botohan sa plenaryo ang impeachment complaint dahil sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez nitong Miyerkoles na hihintayin muna nila ang desisyon ng Korte Suprema sa "quo warranto petition" inihain ni Solicitor General Jose Calida laban pa rin kay Sereno.
“Hindi kinakailangan (hintayin), pero for practical purposes, parang mas maganda na hintayin. Kasi nga kung tuloy-tuloy kami, tapos biglang in-invalidate ng Supreme Court yung appointment [ni Sereno], so sino pa ang i-impeach natin?” anang lider ng Kamara.
‘Gimmicks’
Tinawag naman ni Sereno na "gimmick" ang hakbangin na patalsikin siya sa puwesto.
Sa kaniyang talumpati sa Philippine Women Judges Association convention sa Manila Hotel nitong Huwebes, muli niyang inihayag ang kahandaan na humarap sa impeachment trial sa Senado.
"Indeed I look at any form to try me other than the constitutionally exclusive form of impeachment as an admission by the complainant and my other detractors that after 15 hearings, they have failed to come up with any evidence with which I can be convicted in the Senate," saad niya.
"Sila ang nagsimula, bakit ayaw nilang tapusin? Napakaaga naman yata para umamin sila na wala silang napala kundi matinding kabiguan. Kaya kung ano-ano na lamang ang gimmick na ginagawa nila, masunod lamang ang kanilang nais," dagdag ng punong mahistrado na kasalukuyang naka-leave sa SC. -- FRJ, GMA News
