Inaprubahan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ang rekomendasyon na isara ang Boracay sa loob ng anim na buwan simula sa Abril 26 para maisagawa ang rehabilitasyon.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ginawa umano ni Duterte ang desisyon sa idinaos na Cabinet meeting sa Malacañang kung saan napag-usapan ang naturang rekomendasyon ng Departments of Environment and Natural Resources, Interior and Local Government, at Tourism.
Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na masusing tinalakay ang naturang usapin at gagamitin ang calamity funds para sa mga manggagawa na maapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Boracay.
Bago nito, natanggap umano ng Office of the President ang detalyadong memorandum mula sa tatlong kagawaran na naglalaman ng mga rekomendasyon at dahilan kung bakit kailangang isara ang tinaguriang "island paradise."
Sinabi ng Palasyo na kasama rin tinalakay ang rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na huwag gawing biglaan ang pagsasara sa isla.
Nauna nang ibinabala ng mga maapektuhan ng pagsasara ng Boracay na aabot sa P56 bilyon ang mawawalang kita at nasa 36,000 katao ang mawawalan ng trabaho.— FRJ, GMA News
