Nagbigay ng babala ang Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Division tungkol sa dumadaming bilang ng mga nabibiktima ng umano'y "online love scam."

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, gumagamit ng mga pekeng social media account ang mga miyembro ng sindikato upang makipagkilala at paibigin ang mga target nilang biktima.

Matapos kuhanin ang loob, kukuwartahan na ng sindikato ang biktima.

"We call it romance scam kasi talagang may relationship na binubuo eh. 'Yun 'yung foundation nitong krimen na 'to, 'yung relationship, romance between you and the suspect. Kasi nagkakaroon ka na ng trust sa kanya eh," sabi ni Police Senior Inspector Artemio Cinco Jr., hepe ng investigation section at public information office ng Anti-Cybercrime Division.

Ayon kay Cinco, umabot na sa 238 ang kaso ng online estafa ngayong taon at kasama na raw sa bilang na ito ang mga kaso ng romance scam.

Karaniwan daw nabibiktima ng ganitong mga grupo ang mga taong naghahanap ng dayuhan na kasintahan.

"Naiisip mo na foreigner itong kausap ko, 'yung chance na may pera ito, makapunta ako ng ibang bansa malaki..." sabi ni Cinco.

Paalala niya, tingnang mabuti ang profile ng mga nakikilala at nakakausap sa social media upang maiwasang mabiktima ng ganitong mga modus.

"Tingnan din natin 'yung friends list so basically kung totoong account 'yan, makikita mo maraming friends 'yan not lesser than 50," saad ni Cinco.-- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News