Dalawang babae na edad 14 at 15 ang ginahasa at minolestiya umano ng limang lalaki na nakilala nila sa Facebook matapos ayain ng inuman sa Maynila. Ang isa sa mga biktima, hindi umano lubusang nahalay dahil mayroong "buwanang dalaw."

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, nadakip ang tatlo sa limang suspek sa isinagawang entrapment operation nang magpanggap ang mga biktima na muling makikipagkita sa kanila.

Kinilala ang mga naaresto na si Franz Angelo Dizon, Jomari Cortez at isang menor de edad na suspek. Pinaghahanap naman ang dalawa pa nilang kasama na sina Adrian Bravo at Franz Adolf Dizon.

Base sa imbestigasyon, si Franz Angelo ang nag-aya sa mga biktima na makipagkita sa pamamagitan ng Facebook chat noong May 31 ng madaling araw na nauwi sa inuman.

Dinala umano ng suspek ang mga biktima sa isang garahe sa R. Papa kung saan naganap ang pang-aabuso.

"Nagkaroon ng konting inuman pero konting tagay pa lang nahilo na sila. So ibig sabihin may nilagay na pampatulog doon sa kanilang ininom," ayon kay NCRPO Chief Police Chief Supt. Guillermo Eleazar.

"Nung magising around 7 am, itong minors na ito eh pareho na silang minolestiya. Actually meron kasing regla yung isa kung kaya't hindi siya ginalaw. While the other minor talagang she was gang raped by the 5 suspects," dagdag ng opisyal.

Nang makauwi, doon na nagsumbong ang mga biktima at inihanda ang operasyon para madakip ang mga suspek.

Ayon sa mga pulis, nahulihan pa ng isang sachet ng hinihinalang shabu at patalim ang mga suspek nang maaresto.

Itinanggi naman ni Cortez ang paratang laban sa kaniya.

Desidido naman ang mga magulang ng mga biktima na mapanagot ang mga suspek.-- FRJ, GMA News