Sa magkahiwalay na operasyon, natimbog ang dalawang dayuhang puganteng sangkot umano sa iba't-ibang krimen nitong Huwebes.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras, kinilala ang isang suspek na si Calvin Jason Ainsworth, isang Briton na itinuturing na most wanted con artist sa United Kingdom. Nahuli siya sa kaniyang tahanan sa Cebu City.
Ang modus daw ni Ainsworth, nagbebenta siya ng mga gadget sa murang halaga sa internet subalit kapag nakapagdeposito na ng bayad ang mamimili ay bigla na lamang siyang mawawala.
Base sa red letter na natanggap ng Bureau of Immigration (BI), kasama raw ni Ainsworth sa online scam ang kanyang ama, asawa at mga kapatid.
Matapos tumangay ng £400,000 o mahigit P30 milyon sa daan-daang British nationals, itinuloy ni Ainsworth ang operasyon sa Pilipinas.
"He transferred from one place to the other. He is quite elusive because he knows he is being sought after," sabi ni Bob Raquepo, hepe ng fugitive search unit ng BI.
Nakumpiska mula sa suspek ang kanyang laptop, pekeng lisensya ng Land Transportation Office (LTO) at pekeng ID ng Professional Regulation Commission (PRC) kung saan ginamit niya ang pangalang Calvin Brown.
Samantala, naaresto rin ang Norwegian na si Stensland Helge, 52, na sangkot umano sa pagpatay sa kanyang kapatid noong 2016.
Nagtago raw si Helge sa Sta. Cruz, Laguna upang takasan ang kanyang kaso. Dinepensahan din niya ang nagawang krimen laban sa kapatid.
"My brother is a fucking addict.... he tried to kill me," sabi ni Helge.
Sabi ng mga awtoridad, agad nilang ipapadeport ang suspek.
"The Bureau of Immigration will have him deported immediately as soon as he is cleared of any criminal liability in the Philippines," saad ni Raquepo.
Inaalam na rin ng BI kung sino ang mga Pilipino na tumulong sa mga dayuhan upang makapagtago sila dito sa bansa.
"We don't allow foreign nationals to use the country as a have for their illegal activities. We are ensuring that we do not allow these kind of people to stay in the Philippines," sabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
