Isang barangay chairman sa Arakan, Cotabato, at kaniyang pamangkin na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), ang patay na nang matagpuan sa isang kanal matapos silang pagbabarilin sa Barangay Greenfield noong Sabado.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jerry Prande, chairman ng Barangay Malibatuan at Gemar Prande, isang miyembro ng CAFGU na nakatalaga sa Dallag Detachment Charlie Company, 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Lumabas sa imbestigasyon na binabaybay ng mga biktima ang Arakan-Magpet Road galing sa Barangay Doroluman at papunta sa Barangay Malibatuan sakay ng isang motorsiklo, nang pagbabarilin sila ng anim na suspek na sakay ng tatlong motorsiklo.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang mga biktima at nahulog sa isang kanal sa tabi ng kalsada.

Tinitingnan ng mga imbestigador ang paghihiganti bilang posibleng motibo sa pamamaril.

Tukoy na ang apat sa mga suspek at tinutugis na ngayon ng pulisya. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News