Iniutos ng Sandiganbayan Special Third Division nitong Martes na pansamantalang idetine si dating senador Ramon Bong Revilla. Jr. sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Barangay Payatas.

Ang utos ng korte ay bunga ng kinakaharap na kasong malversation at graft laban kay Revilla, at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways, na isinampa ng Ombudsman kaugnay ng umano'y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Inihayag ito ni Sandiganbayan Special Third Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda sa harap ng sulat ni acting Philippine National Police (PNP) chief Jose Nartatez Jr., na humihiling sa anti-graft court na huwag nang ipadala sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang mga taong nahaharap sa kasong katiwalian.

“A January 6 letter from PNP Chief Nartatez said the Sandiganbayan should reconsider further issuance of any commitment order to the PNP Custodial Center and other similar facilities in various PNP Camps. He said the PNP Custodial Center is a temporary facility, not a long term facility unlike the facilities of the BJMP,” saad ni Miranda patungkol sa Bureau of Jail Management and Penology.

Nasa kontrol ng BJMP ang Quezon City Jail Male Dormitory sa Barangay Payatas.

“The court will sign the order of commitment for the meantime for the accused Ramon “Bong” Revilla, Jr. who is charged of malversation of public funds through falsification of public documents, to be held at the Bureau of Jail Management and Penology National Capital Union Quezon City Jail Male Dormitory, Barangay, Barong Silang, Quezon City,” dagdag ni Miranda.

Ipinaliwanag din ni Nartatez na mga pinaghihinalaang terorista, mga suspek na maaaring makatakas, at mga suspek na kinasuhan ng mga karumal-dumal na krimen ang nakadetine sa PNP Custodial Center.

Kaya naman magiging isang “high-risk detainee” ang mga matataas na opisyal kung dito idedetine na gaya ni Revilla na mangangailangan ng karagdagang pondo at tauhan para tiyakin ang kanilang kaligtasan.

Kaugnay ito rin ito ng mosyon ng kampo ni Revilla na sa PNP Custodial Center madetine ang habang dinidinig ang kaso. Diringgin ng anti-graft court ang mosyon ni Revilla sa Biyernes, Enero 23.

Naglabas ng warrant of arrest at hold departure order ang Sandiganbayan Third Division laban kina Revilla at anim na iba pa nitong Lunes.

Sumuko si Revilla nitong Lunes ng gabi sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame.

Bago sumuko, nagpahayag si Revilla ng pagkadismaya sa paglabas ng Sandiganbayan Third Division ng arrest warrant at hold departure order (HDO) laban sa kaniya.

"Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero ganu’n pa man, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala akong kasalanan dito," sabi niya sa isang a video statement.

Humingi rin ng panalangin ang dating senador para sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes na walang espesyal na pagtrato na ibibigay kay Revilla. – Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News