Nakunan ng body camera ng MMDA ang pagto-tow nila ngayong Huwebes ng tatlong illegally parked vehicles sa bangketa ng San Andres Street sa Maynila.

Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa 24 Oras, pag-aari ang tatlong sasakyan ng isang babae na nakipagtalo pa sa mga tauhan ng MMDA.

Ale: "Alisin n'yo 'yan! Alisin n'yo!"

MMDA: "Ma'am nananakit na kayo! Nanakit si ma'am!"

Ale: "Alisin n'yo 'yan! P— ina n'yo!"

MMDA: "O nagmumura pa po kayo!"

Ale: "Mga walanghiya kayo alisin n'yo 'yan."

MMDA: "Unang-una po sidewalk po 'yan."

Hinila pa rin ang tatlo niyang sasakyan.

Ayon kay Celine Pialago, "'Yung pag-init kasi ng ulo ng mga motorista na nato-tow ay part and parcel of our job already. Basta kami nag-iimplement lang kami sinusunod namin ang procedure."

Trak-trak na obstruction sa kalye at bangketa ang nahakot sa san andres.

Importanteng mapaluwag ang San Andres at San Marcelino dahil alternatibo ito ng mga dumadaan sa Otis Bridge sa Paco, Maynila na sarado ngayon matapos makitaan ng bitak.

Truck route pa naman ang San Marcelino mula pier papuntang SLEX.

Ang problema, dati na raw pinapayagan ng Manila City Hall ang sidewalk parking sa San Marcelino kaya nagkalituhan tuloy. May nagpakita pa nga ng resibo ng binayaran nila sa city hall para makaparada.

Hinila pa rin sila ng MMDA.

Ayon sa MMDA, simula nang isara ang Otis Bridge nitong Miyerkoles, umaabot na sa tatlong oras ang biyahe mula Quezon City papuntang Paco area. Kaya kung maaari, iwasan na muna ang lugar. —JST, GMA News