Nadakip ang isang basurero na may kasong two counts of rape matapos niyang gahasain umano ang isang batang apat na taong gulang sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ni Vonne Aquino para sa Balitanghali ng GMA News TV, kinilala ang suspek na si Teofilo Peralta Jr., 55-anyos, na naaresto sa may Dama de Noche Street nitong Miyerkoles ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inilabas sa kaniya ng korte noon pang 2017.
"May tumawag dito, from the confidential informant natin na 'yung isang suspek sa rape ay nakita nila du'n sa may Dama de Noche. Pagdating ng tropa roon, positive naman," sabi ni Chief Inspector Elmer Gutierrez, deputy station commander, MPD 8.
Tumanggi ang suspek sa paratang. "Hindi ko ginawa 'yon," sabi ni Peralta. "Parang natakot lang sa akin ang bata."
Samantala, arestado ang isang lalaking may kaso rin ng rape matapos ang walong taong pagtatago sa Obando, Bulacan.
Kinilala ang suspek na si Lambert Carbon, na nagtago sa Laguna at Nueva Ecija.
"Itong aming target na ay number 3 dito sa aming most wanted persons," sabi ni C/Insp. Leopoldo Estorque ng Obando Police.
"Makikipag-areglo na lang po," sabi ni Carbon tungkol sa kaniyang nabiktima. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
