Na-hulicam ang panununtok, pambabatok at pamamalo ng isang yaya sa kaniyang alagang isang taong gulang na lalaki habang pinapatulog ito. Ang mga magulang ng bata, nagpasiyang maglagay ng spy camera sa loob ng kwarto matapos mapansin ang pag-iibang ugali ng anak.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nakunan ng spy camera ang pagpapatulog ng yayang si Analyn Lachica kay Ben, hindi tunay na pangalan, noong Lunes ng umaga sa loob ng bahay ng inang si Glenda, hindi rin tunay na pangalan.

Habang papalapit ang bata sa kama, makikita na binatukan ito ng yaya. At habang nakahiga na at pinapatulog, inambahan pa ito ng suntok, tinusok-tusok ng daliri at pinalo ni Lachica.

Ang asawa ni Glenda ang naglagay ng spy camera matapos mapansin ang pag-iibang ugali ng kaniyang anak.

"Nanay talaga una makakaramdam 'di ba? May nagbago sa behavior ng anak ko 'yung one year old ko, medyo naging iyakin. So 'yun sinet-up namin spy cam sa master's bedroom sa spot kung saan nandoon 'yung yaya na 'yun," saad ni Glenda, ina ng bata.

Ayon kay Glenda, hindi niya inakala na magagawa ito ni Analyn dahil pitong buwan na ring nag-aalaga ng bata ang yaya.

Hindi ito ang unang insidente ng pananakit ng yaya. Sinaktan na din umano nito ang panganay nilang anak na limang taong gulang, ngunit pinatawad lang nina Glenda.

"Paghubad ko ng polo niya may nakita akong pasa sa dibdib tapos meron din sugat pero langib na tapos sabi ko sa kaniya saan galing 'yan? Ano nangyari d'yan?' Sabi niya 'Kinurot ni Ate Celyn,' 'yung yaya na 'yun," sabi ni Glenda.

Matapos nito, lumayas ang yaya at hindi na makontak.

Sinampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Women and Children's Protection Act sa Cainta Police.

Patuloy rin ang pulisya sa paghahanap kay Lachica na tubong Antique, na pinaniniwalaang namamalagi lang sa Metro Manila ngayon. —Jamil Santos/JST, GMA News