Muntik nang manakaw ng dalawang palaboy ang kaha ng isang jeepney driver sa Maynila.
Sa kuha ng isang YouScooper sa may Taft Avenue corner Finance Road, makikitang nilapitan ng dalawang lalaki ang nakahintong jeep para umano'y manlimos.
Maya-maya, nagtakbuhan ng palayo ang mga suspek bitbit ang kahang may pera.
Sa isa pang video, makikita kung paano naagaw ng isang side-car driver mula sa isang suspek ang kaha.
Mabilis namang pinulot ng jeepney driver ang mga baryang nasalbag sa daan dahil sa kakamadali ng suspek.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa "24 Oras" nitong Biyernes, nahuli na ng mga awtoridad nitong Huwebes ang 14-anyos na tumangay sa kaha.
Dinala na ang menor de edad sa DSWD-Manila office.
Sa kulungan naman ang bagsak ng kasama niyang 20-anyos na kinilala bilang si Ruel Martinez.
Nahaharap din siya sa reklamong paglabag sa Manila City Ordinance dahil wala itong damit na pang-itaas nang mahuli ito sa Taft Avenue.
Ayon sa pulisya, wala namang sindikato sa likod ng modus sa Taft Avenue.
Paliwanag ni Superintendent Igmedio Bernalez, "Wala naman silang pinag-usapan diyan na 'Minors kayo, kayo ang titira.' Wala naman so far. Ang kanila naman ay parang isang grupo lang sila." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News
