Nagpagulung-gulong ang isang babae matapos siyang tumawid, hindi sa pedestrian lane kundi sa mismong Quezon Avenue sa EDSA at nabundol ng isang AUV.

Ang footbridge na puwedeng pagtawiran, sinabing wala pang sampung metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang kuha ni Davelyn Ines ng papatawid na babae sa paanan ng flyover pasado alas-tres Biyernes ng hapon.

Ayon kay Davelyn, biglang tumawid ang babae at nasapul ng dumadaang AUV.

Ngunit malayo pa lamang, nakita na nila ang babae.

"Gusto niya po talaga sigurong tumawid sa other side sa southbound na po. Parang gusto po niya sigurong mag-shortcut, galing po siya ng Centris or kung saan man siya nagwowork doon," sabi ng kumuha ng video.

Hindi masyadong nahagip ng kanyang video pero sinabi pa ni Davelyn na nagawang makagitna ng babae nang paprenuhin nito ang isang dumadaang taxi.

Pero pagdating nito sa pinakahuling lane, nagdalawang isip na ang babae sa pagtawid.

"Doon na lang sa last lane parang nag-panic na po siya kung didiretso na siya o titigil pero last minute dumiretso na siya at tumakbo nang mabilis," sabi ni Davelyn.

Makikita sa video na sinusubukan ng babae na igalaw ang sarili matapos mabangga.

Nagpasiya sina Davelyn na itigil ang sasakyan para magsilbing harang sa lane ng AUV.

Umalis na sila nang makitang tinulungan naman ng driver ng nakabanggang AUV ang biktima, at may iba pang tumulong.

Sinabi ng MMDA na kumakalap pa sila ng impormasyon tungkol sa sitwasyon ng babae at kung sino ang nakadisgrasyang driver.

Ayon sa mga awtoridad, hindi na bago ang ganitong sitwasyon lalo sa Commonwealth kung saan may mga pilit na inilalagay ang sarili sa alanganin kahit may footbridge naman.

"Bukod sa mabibilis ang takbo ng mga sasakyan, hindi nila aasahang may tatawid bigla biglaan kasi nga 'ho walang pagkakaiba 'yan sa mga express highways na meron 'ho dito sa Pilipinas," ayon kay Celine Pialago, spokesperson ng MMDA.

Nagpaalala ang MMDA na bukod sa peligro, nahaharap pa ang mga pasaway sa asuntong jaywalking.

May paliwanag din sila kung may pananagutan ba ang driver na nakabangga ng pedestrian na hindi tumawid sa tamang tawiran.

"Kailangan ho natin silang tulungan, 'wag ho natin silang takbuhan, mahi-hit and run po tayo niyan. Meron pong violation ang pedestrian pero sa korte na po aabot kung ano ang naging violaton ng driver," sabi ni Pialago. — Jamil Santos/MDM, GMA News