Ngayong Linggo, ika-9 ng Setyembre, ang National Grandparents Day. Nagbibigay-pugay ang GMA News and Public Affairs sa kanilang walang kapantay na pag-ibig sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kuwento.
Sa edad na 70, single pa rin si Lolo Bong Infante, ngunit kahit kailan ay hindi niya naramdaman ang kalungkutan.
Aniya, ang musika ang kaniyang "one true love," kaya ginugol niya ang buhay sa paghasa ng kaniyang talento.
"One true love yong music ko? Yes! Noong ako'y maliit pa, pinaaral na ako ng mama ko, nag-private tutor ako sa bahay mismo ng formal piano lessons. I got to read notes first then from there nag-umpisa na ako -Do, Re, Mi, Fa, Sol, La, Ti, Do," sabi ni Lolo Bong.
At dahil nababad sa pagtugtog ng piano sa murang edad, marami nang alam na music genre si lolo.
""Yun ang aking bread and butter, 'yung sa pagtugtog. I can play both standard, love songs, OPM, church music, and everything."
Inaalagaan ngayon ni Lolo Bong ang kaniyang mga pamangkin at apo, at nagsisilbi siyang padre de pamilya ng mga ito.
"Si Lolo Bong, since ‘yung parents namin nasa probinsya, siya ‘yung tumatayong pinaka-tatay namin dito," sabi ni Katrina Adarayan, pamangkin ni Lolo Bong.
"Masinop sa bahay kailangan naka-ayos, kailangan walang nakakalat walang nakatabingi na kahit kaunti kailangan okay lahat," ayon kay Paolo Gulliman, isa pang pamangkin ni Lolo Bong.
Aliw na aliw pa nga ang mga apo ni Lolo Bong sa pagsayaw at pagkanta sa tuwing tumutugtog siya ng piano at hiniling nilang sana mamana nila ang kaniyang talento.
"Naaaliw rin ako, naiiwasan ko rin 'yung lungkot ko. Kung ano 'yung ginawa sakin ng mama ko at papa ko sa aming magkakapatid ganu'n din 'yung pagmamahal ko sa mga pamangkin ko."
Hindi naman maitanggi ni Lolo Bong na miss niya rin ang kaniyang mga magulang.
"Minsan, nalulungkot ako wala na kasi si mama ko at si papa ko. Iba talaga ‘yung ang mga magulang mo nandyan sa tabi mo. Naga-guide ka, naaalagaan ka."
Kilala si Lolo Bong dahil sa kaniyang magaling na pagtugtog ng piano sa mall.
"Kapag tumutugtog ako, ang sarap ng pakiramdam ko. Buhay na buhay ang dugo ko. Syempre akala mo para kang nagko-concert eh, di ba?"
Hiling ni Lolo Bong, sana may sumunod din sa kaniyang yapak na isang magaling na pianista.
"Bago ako pumanaw dito dapat meron sanang susunod na yapak ako sana. Kung sinuman siya, sana matularan niya ako kung ano ang ginagawa ko ngayon." —Jamil Santos/LBG, GMA News
