Nakaligtas sa pananambang si Shariff Aguak, Maguindanao del Sur Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan, Sr., kahit pa gumamit na ng RPG (Rocket-Propelled Grenade) ang mga suspek at pinasabugan ang sinasakyan niyang SUV (Sport Utility Vehicle). Sugatan ang dalawang tauhan ng alkalde habang napatay naman ang tatlong suspek sa hot-pursuit operation ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV, sinabing pauwi na nitong Linggo ng umaga ang alkalde nang mangyari ang pananambang sa Barangay Poblacion.
Nakuhanan ng video ang mga suspek na lumabas mula sa isang mini-van na armado ng RPG at inasinta ang SUV ng alkalde. Bagaman tinamaan ang sasakyan ni Ampatuan, nakaligtas naman siya.
Napag-alaman na iyon na umano ang ikatlong pagkakataon ng pagtatangka sa buhay ng alaklde.
“May follow-up vehicle, sakay doon ‘yung ilang mga security din ni mayor. ‘Yung mga security niya ay nakapag-retaliate sa mga suspek but dalawa sa securities niya ay wounded din kanina. Both ay may tama sa left side ng abdomen,” ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Spokesperson, Capt. Steffi Salanguit.
Tumakas ang mga suspek sakay ng minivan. Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga awtoridad at napatay ang tatlong suspek sa bayan ng Datu Unsay.
“May phone call from a concerned citizen na nag-inform na meron pong natagpuan na sasakyan doon sa area ng Datu Unsay. Then, before nagpunta doon ang mga personnel ng Datu Unsay MPS, they coordinated with the army to clear the area. Nung pumunta po sila doon to verify, nakita nila ‘yung van na sinasabing sakay ‘yung mga suspek sa ambush kay Mayor Ampatuan,” ayon kay Salanguit.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa pag-ambush sa mayor.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang alkalde, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
