Isang robotic face na nakakapag-lip sync at kayang gayahin ang kilos ng mukha ng tao ang nabuo ng ilang engineers sa Columbia University sa Amerika.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sa pamamagitan ng AI-generated na kanta, kaya ng robot na ibuka ang bibig nito para sabayan ang kanta.

Kaya ring igalaw ng robot ang mukha nito para maging natural ang pagsasalita o pagkanta.

Sinabi ng mga gumawa ng robot na sa pamamagitan ng proyekto, mas magiging maayos at madali ang komunikasyon ng mga tao at robot sa hinaharap. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News