Naging matindi ang “Ligtask” sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” nitong Linggo.
Sa unang Ligtask, ang Solid Six na binubuo nina Joaquin Arce, Sofia Pablo, Eliza Borromeo, Caprice Cayetano, Carmelle Collado, at Heath Jornales ang nakakuha ng walong puntos.
Samantala, nakakuha naman ng dalawang puntos ang Striving Feathers na binubuo nina Ashley Sarmiento, Marco Masa, Princess Aliyah, Lella Ford, Krystal Mejes, at Miguel Vergara.
Ngunit sa ikalawang Ligtask, nakakuha naman ang Striving Feathers ng 218 puntos habang 190 naman ang nakuha ng Solid Six.
Sa ikatlong Ligtask, binigyan ang mga housemate ng isang kahoy na panel kung saan kailangan nilang balansehin ang isang bola. Habang binabalanse ang bola mula sa loading area patungo sa play area, kailangan nilang ipasok ang bola sa mga kahon na may katumbas na puntos.
Mayroon silang apat na oras upang makalikom ng mga puntos. Ang hamong ito ang nagtakda kung sino ang manonomina para sa eviction.
Sa kabuuan ng tatlong Ligtask, nakakuha ang Striving Feathers ng 5,728 puntos at ligtas mula sa eviction.
Mas mababa naman ang nakuha ng Solid Six na 4,090 puntos. Dahil dito, nominado para sa eviction sina Sofia, Joaquin, Eliza, Caprice, Carmelle, at Heath.
Napapanood ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” sa GMA Network tuwing weekday sa ganap na 9:40 pm, at tuwing Sabado at Linggo sa ganap na 6:15 pm.— Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

