Pinatay sa sakal ang isang 17-anyos na babae ng kaniyang live-in partner sa Lipa, Batangas. Ang bangkay nito, itinapon sa madamong bahagi ng tapat ng kanilang bahay.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing nangyari ang krimen noong Enero 22. Hinagpis ng kapatid ng biktima, nais pa sana niyang dalhin sa ospital ang kapatid dahil baka mabuhay pa ito.

“Tinapon lang siya na parang baboy, parang basura,” hinanakit ng kapatid.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagpaalam ang biktima na may dadaluhang birthday party pero hindi na nakauwi.

Suspek sa krimen ang dating kinakasama ng biktima na nakipagkita umano para magbigay ng sustento sa kanilang anak.

Naaresto ang suspek na umamin umano na pinatay niya sa sakal ang biktima.

Selos ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News