Ngayong Linggo, ika-9 ng Setyembre, ang National Grandparents Day. Nagbibigay-pugay ang GMA News and Public Affairs sa kanilang walang kapantay na pag-ibig sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kuwento.
Pitumpu't tatlo na ang kaniyang edad, ngunit kumakayod pa rin si Lola Concepcion Manasis Mercado para sa kaniyang munting anghel.
Wala nang magulang ang apo niyang si Angel, kaya siya na ang nagsilbi bilang ama at ina nito.
Kuwento ni Lola Concepcion, iniwan si Angel Mae Lagda Cornejo ng mga magulang noong 2-anyos pa lang ito.
"‘Yung mama niya, may asawa na iba, dalawang taon pa lang iniwanan siya. Ngayon kinupkop ko. 'Yung papa niya may asawa na rin iba."
Gumigising si Lola Concepcion 4 a.m. pa lang ng umaga para ipaghanda si Angel ng almusal at sa papasok nito sa paaralan.
Matapos nito, tutungo naman si Lola Concepcion sa palengke para humingi ng isda na puwedeng ibenta.
Sa kabutihang palad, nandiyan ang kaibigan ni Lola Concepcion na si Rodilyn Avila para isabay siya sa sidecar.
"Humahanga ako sa kaniya na kahit mag-isa na lang po siya kaya niyang mapag-aralin ‘yung apo niya," ani Rodilyn.
"Dalawa na lang po silang magkasama. Nag-aaral siya. Ang kaniyang apo, tinataguyod niya talaga, alang-alang na makapagtapos siya," kuwento naman ni Maura Batalyos, kaibigan din ni Lola Concepcion.
"Kung mayroon lang ako pwede ko [pag-aralin] 'yan sa college, gusto niyang makapag-aral," hiling ni Lola Concepcion para kay Angel. "Proud ako sa kaniya, kapag nakikita ko siya, para masaya na ako sa kaniya, parang nag-ano ang pagod ko, naalis."
May pangarap din si Angel para sa kaniyang lola: "Gusto ko maging doktor para po magamot ko ‘yung dito niya. Kasi minsan po sumasakit ‘yung hita niya."
"Promise ko po sa lola ko magtatapos po ako ng pag-aaral. Para po 'pag laki ko, siya naman po ang aalagaan ko," dagdag ni Angel.
Ayon kay Lola Concepcion, hangga't kaya niyang maghanap-buhay, aalagaan niya si Angel, dahil wala siyang ibang maipapamana sa bata kundi edukasyon. — Jamil Santos/DVM, GMA News
