Pumanaw sa edad na 43 ang South Korean actor na si Lee Sang Bo, na bumida sa TV drama series na “Miss Monte-Cristo.”
Ayon sa Korea Herald, natagpuang patay si Lee noong Huwebes matapos tumugon ang mga awtoridad sa tawag mula sa kaniyang pamilya.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa kaniyang agency na Korea Management Group, nagsisikap silang kumpirmahin ang mga karagdagang detalye kaugnay sa pagpanaw ng aktor.
Sa halos dalawang dekadang karera, gumanap si Lee ng mga supporting role sa telebisyon at pelikula sa South Korea.
Nag-debut siya noong 2006 sa seryeng KBS2 na “The Invisible Man” at lumabas sa iba’t ibang TV drama, kabilang ang “Miss Monte-Cristo” (2021), kung saan nakuha niya ang kaniyang unang lead role.
Noong 2022, sandali siyang nadetine matapos arestuhin dahil sa hinalang paggamit ng ilegal na droga.
Pinalaya siya kalaunan nang walang kaso matapos suriin ng pulisya ang kaniyang medical records na nagpapakitang umiinom siya ng mga iniresetang gamot para sa mental health issue. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

